Matatagpuan sa lalawigan ng Surigao del Norte sa Timog-Silangang bahagi ng Pilipinas, ang Siargao ay isang maliit na islang may populasyong humigit-kumulang 200 000. May lawak na 437 km2 at nabibiyayaan ng napakagagandang tanawin, paborito itong destinasyon ng mga surfer, at taon-taong dumarami ang mga gustong bumisita sa isla.

Pinakanakilala ito dahil sa pangunahin nitong surfing spot na tinatawag na Cloud 9, kung saan ginaganap ang isang internasyonal na paligsahan taon-taon. Dati-rating popular lamang sa mga surfer na naghahanap ng thrill, higit na nabuksan ang isla sa turismo sa nakaraang mga taon, at maraming hotel, kainan, at bar ang itinayo na unti-unting bumago hindi lang sa hitsura ng isla, kundi maging sa buhay ng mga naninirahan dito.

Nakaasa ang kabuhayan ng karamihan sa mga naninirahan sa Siargao sa pangingisda at pagniniyog. Bagama’t nakalikha ng mga bagong trabaho ang patuloy na pag-usbong ng turismo sa isla, tumaas ng presyo ng mga bilihin dahil dito at naapektuhan nang matindi ang lokal na mga naninirahan sa isla, na karaniwang naisasantabi ang kapakanan para sa mga turista. Dagdag pa, naiipon ang basura na nakakaapekto sa kapaligiran ng Siargao, na dahil maliit na isla ay nahihirapang mapangasiwaan ito nang tama.

Bagama’t mahihirapan nang mahinto ang paglago ng turismo sa isla, mahalagang mabigyan ng suporta ang lokal na populasyon sa pagpapaunlad ng isla sa pamamagitan ng mga proyektong kapaki-pakinabang at ginawa para mismo sa kanila.

Dahil sa sensitibong sitwasyong ito na kinalalagyan ng Siargao sa kasalukuyan, higit na umigting ang hangarin ng organisasyong Baybayin na maging bahagi ng lokal na komunidad sa pamamagitan ng isang sustainable na proyekto. Sisikapin ng aklatan na umangkop at lumago kasama ng mga tao at ng lokal na kapaligiran, at matuto mula sa at irespeto ang kanilang mayamang kultura, ang kaalaman at ang paraan ng pamumuhay ng mga naninirahan sa isla.